PLANO ng Sangley Point International Airport na “co-brand” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kapag napili na ang bidder para sa NAIA modernization program,napag-alaman sa ulat kahapon.
Sa sideline ng data center groundbreaking event sa General Trias, sinabi ng isang mataas na opisyal ng Cavite government na kakausapin nila ang nanalong bidder ng NAIA operation privatization para sa isang co-branding agreement. Hindi nagbigay ng partikular na detalye ang opisyal sa “co-brand” scheme dahil naghihintay pa sila ng progreso sa NAIA project.
Pero ipinaliwanag niya na ang Sangley Airport ay maaaring maging alternatibong runway ng NAIA.
Aniya, plano nilang makipag-partner sa NAIA para maging pangalawa o pangatlong runway kaagad.
Idinagdag nito na itutuloy pa rin ang proyekto ng Sangley Airport sa gitna ng mga planong i-upgrade ang NAIA at ang pagtatayo ng iba pang paliparan. Hinihintay na lang nila ang pagkumpleto ng solicited proposal para sa pribatisasyon ng NAIA operations.
“Sobrang siksikan na ang NAIA. Kahit na pagbutihin mo ang mga terminal at pagbutihin ang paggalaw ng trapiko sa himpapawid, kakailanganin mo pa rin ng bagong paliparan,” dagdag niya.
Samantala, ang groundbreaking para sa Sangley Airport ay maaaring mangyari umano sa susunod na taon.
Ang pamahalaang panlalawigan ng Cavite, House of Investments na pinamumunuan ni Yuchengco, Cavitex Holdings Inc, Samsung C&T Corp kasama ang MacroAsia Corp, Munich Airport International GmbH at Ove Arup & Partners Hong Kong Ltd. ay bumuo ng Sangley Point International Airport consortium.