Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa air travelers laban sa mga scammer na nagpapatakbo ng mga website na naniningil ng mga bayarin para sa pagpaparehistro sa electronic travel declaration system ng gobyerno na kilala bilang eTravel.
Binigyang-diin ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang pagpaparehistro sa eTravel platform ay walang bayad, kaya dapat mag-ingat ang mga manlalakbay sa mga masasamang elemento na naniningil sa pamamagitan ng pekeng website na ito.
Inilabas ng BI chief ang babala kasunod ng mga ulat ng mga pasahero sa mga paliparan na nagsasabing sila ay nakarehistro na sa eTravel platform at “nagbayad” ng mga dapat bayaran na sinisingil sa kanila.
Ang halagang diumano’y nakolekta mula sa mga pasahero ay umaabot sa pagitan ng P3,000 hanggang P5,000, kapag na-convert sa piso dahil karaniwang US dollars ang sinisingil ng mga scammer.
Pinapayuhan ng immigration ang mga nagbibiyahe na magrehistro lamang sa opisyal website ng gobyerno.